Umapela ang grupong Nagkaisa Labor Coalition kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng Climate Emergency at pagbabayarin ang mga mayayamang bansa na malaki ang kanilang kontribusyon sa pagsira sa kalikasan.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, nararapat lamang na pagbayarin ang mga mayayamang bansa sa kanilang utang sa kalikasan na kanilang sinira kung saan daan-daang mga kumpanya na nagbubuga ng maruruming usok o 70% ng carbon emissions sa buong mundo kung saan mas mababa pa sa 1% ang naiaambag ng Pilipinas sa carbon emissions ngunit tayo ang lubhang napinsala ng husto dahil sa bagsik ng ganti ng kalikasan.
Paliwanag ni Atty. Matula, papaano umano makakarekober ang bansa mula sa COVID-19 kung pinagtutuunan natin ng pansin ang pagrekober ng pinsala ng kalamidad na hindi naman natin sariling kasalanan, ito’y gawa ng mga mayayamang bansa.
Giit ni Atty. Matula, bilyong piso ang tinamong pinsala ng Bagyong Ulysses na umaabot sa P10 billion habang ang pinsala naman ng Bagyong Rolly at Quinta ay tinatayang umaabot sa P11 billion ang kabuuang pinsala.
Dagdag pa ni Atty. Matula, sa pagitan noong taong 2006 at 2015 tinataya ng gobyerno ang pinsala ng kalamidad na umaabot sa P374 billion, base sa official accounting na ginawa ng Philippine Statistics Authority’s Compendium of Philippine Environmental Statistics (CPES) noong 2016.