Welcome sa grupong Nagkaisa Labor Coalition sa naging pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na ginarantiya sa Konstitusyon ang kalayaan ng pagpapahayag.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition President Atty. Sonny Matula, tanggap umano sa kanila ang naging pahayag ng DOJ na nagsasabi na kapag ang nilalaman ng plakards na bitbit ng mga manggagawa ay nagpapahayag lamang ng kanilang saloobin gaya ng kanilang pagtutol sa Anti-Terrorism Act, ito umano ay protektado ng ating Constitution.
Paliwanag ni Atty. Matula, dapat umano turuan ng kalihim ng DOJ ang law enforcers na wala umano alam sa Bill of Rights na ang pagpapahayag ng taongbayan ng kanilang posisyon sa public issues sa placards o kaya sa streamers ay legal na basehan na naaayon sa ating Saligang Batas, taliwas sa ginagawa ng Manila Police District na kinumpiska ang kanilang placards at sinabihang mga kumakalaban sa gobyerno.
Hinikayat ni Atty. Matula ang law enforcers na sundin ang mga payo ng kalihim ng DOJ, gayundin hinimok din nito ang Philippine National Police (PNP) at mga opisyal ng militar na matuto kay Col. James Madison na sumulat ng 1st Amendment (Freedom of Expression) sa U.S. Constitution.
Ikinadismaya ng grupong Nagkaisa Labor Coalition noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte kung sana kinukumpiska nila at iba’t ibang placards at banners ng mga aktibista na nagpahayag lamang ng kanilang mga hinaing sa pamahalaan.