Pinatututukan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga nagsusulong ng Revolutionary Government (RevGov).
Ayon kay Gamboa, pinaiimbestigahan na niya sa CIDG kung may akmang kaso sa mga nagsusulong nito para sila ay maaresto.
Tinawag ni Gamboa na ‘political stunt’ ang isinusulong na RevGov dahil hindi ito napapanahon lalo na at nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic.
Bagama’t isa siya sa mga nakatanggap ng imbitasyon para sa pagpupulong, nilinaw ni Gamboa na walang kinalaman ang pamunuan ng PNP sa naturang panawagan.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na welcome at inirerespeto nila ang desisyon ng PNP.
Gayunman, wala aniya siyang nakikitang banta para rito.
Nabatid na ang grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang nagtakda ng pulong at inimbitahan ang mga opisyal ng pamahalaan para talakayin ang isinusulong na RevGov.