Ikinadismaya ng militanteng grupo ng mga mangingisda ang inanunsyong listahan ng mga kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng Robredo-Pangilinan tandem.
Sa isang statement sinabi ni Fernando Hicap, National Chairperson ng PAMALAKAYA na ano na ang nangyari sa pangako ni Vice President Leni Robredo na pagkakaisahin niya ang lahat ng puwersa ng oposisyon.
Ginawa ni Hicap ang pahayag matapos na hindi mapasama ang pangalan ni Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares sa Senate slate ni Robredo para sa 2022 national elections.
Aniya, mga trapo at walang kinatawan ang marginalized sector sa senatorial line up ng bise presidente.
Giit ni Hicap, hindi maituturing na oposisyon ang Robredo-Pangilinan camp kung wala si Colmenares na tumutunggaling boses umano laban sa isyu ng korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan ng Duterte administration.
Hinamon ni Hicap si Robredo na magpaliwanag at isapubliko ang naging pamantayan sa pagpili ng makakasama sa listahan ng kandidato sa pagkasenador.