
Mas lalo umanong nagigipit ang mga mangingisda sa muling pagsipa ng gastusin sa gasolina kasunod ng panibagong dagdag-presyo sa produktong petrolyo ng mga kOmpanya ng langis.
Ayon sa grupong PAMALAKAYA, umaabot na sa humigit-kumulang 80 porsiyento ng kabuuang gastos sa produksyon ang napupunta sa gasolina na ginagamit sa pagpapaandar ng mga bangkang pangisda.
Dahil dito, nababawasan na umano ang oras ng pangingisda sa dagat at bumababa ang kita ng mga maliliit na mangingisda.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, hinimok ng grupo ang Department of Agriculture (DA) na agarang ipamahagi ang fuel subsidy para sa sektor ng pangingisda.
Kasabay nito, isinusulong din ng PAMALAKAYA ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang maiwasan umano ang pagsasamantala ng mga oil company sa presyo ng gasolina sa domestic market.










