Inupakan ng netizens ang anilay pag-hijack ni Rep. Janette Garin ng 1st District ng Iloilo sa isang flight na para sa 5 Med Tech na papuntang Manila para mag-training sa COVID-19 Testing.
Binatikos din ng grupong Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon) ang anilay pagdepensa sa Congresswoman ni Presidential Consultant for Western Visayas Jane Javellana.
Anila, halatang pinagtatakpan ni Javellana si Garin nang igiit nito na “Miscommunication” lamang ang nangyari.
Una kasing iginiit ni Javellana na hindi raw sila inabisuhan ni DOH Region 6 Director Marlyn Convocar na lilipad din papuntang Manila ang staff ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda at naniniwala si Javellana na ito nga ang dahilan kung bakit binawi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang go signal na makalipad ang ibang Med Tech.
Sinabi pa ng grupo na tila dinamay din ni Javellana ang mismong boss niya na si Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Assistant Secretary Jonji Gonzales sa isyu dahil marami nang netizens ang bumatikos dito.
Una nang nag-atubili ang mga Med Tech na sumama kay Garin dahil ang Kongresista ay galing ng Manila, kung saan tumataas ang kaso ng COVID-19 at base sa protocol, si Garin ay dapat naka-quarantine at hindi dapat gumala sa Iloilo.
Itinanggi naman ni Garin ang akusasyon na isang “hijack” ang nangyari dahil naunsyami ang planong training ng mga Med Tech.
Kinundena naman ni Bencyrus Ellorin, convenor ng grupong Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon) ang aniyay tila pagsasamantala at pamumulitika ni Garin sa panahon ng krisis.