Nangangamba ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o PISTON sa makupad na pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) driver.
Ayon kay PISTON President Emeritus George San Mateo, dapat ipaliwanag umano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Transportation (DOTr) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung ilan na ba talaga ang mga PUV driver sa bawat rehiyon sa buong bansa ang napagkalooban ng naturang ayuda mula ng ihayag ng LTFRB Central Office noong Abril 8, 2020 na mahigit 435,619 PUV drivers sa buong bansa ang makakatanggap ng Social Amelioration Program na ₱5,000 hanggang ₱8,000.
Paliwanag ni San Mateo na batay sa natatanggap nilang ulat, ay wala pang 10% ng mga PUV drivers sa buong bansa ang nakakatanggap ng naturang ayuda na nakatuon lang sa Metro Manila.
Giit ni San Mateo, sa iba’t ibang Rehiyon labas sa Metro Manila, ay wala pang PUV drivers ang nakakatanggap ng SAP na ayuda mula sa LTFRB-DOTr at DSWD.
Nababahala si San Mateo sa kawalang-kabuhayan ng mga PUV drivers at kanilang pamilya magmula nang sinimulan ng gobyerno ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 15, 2020.