Manila, Philippines – Nagkasa ng dalawang araw na tigil pasada ang transport alliance na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Nanawagan si PISTON National President George San Mateo sa lahat ng kanilang miyembro sa buong bansa na sumama sa kanilang transport strike sa October 16 at 17.
Tahasang sinabi ni San Mateo na minamadali na ni President Duterte ang implementasyon ng PUJ phase out program.
Ang makikinabang lamang aniya rito ay ang mga business cronies na gustong i-monopolya ang auto industry.
Ayon sa PISTON, balak na ipatupad ang planong jeepney phaseout sa Enero ng taong 2018.
Sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines Department of Transportation ang mga PUJ drivers at operators ay sapilitang pabibilhin ng sampung ‘brand new’ na PUJ units sa bisa ng pautang na 1.6 million pesos.
Ito ay io-operate sa ilalim ng ‘fleet management’ scheme ng malalaking transport companies.
At ang pamasahe ay kokolektahin sa pamamagitan ng “beep card” automated collection system na pangangasiwaan ng Ayala-Pangilinan consortium.