Nanawagan ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na buksan ang puso nito sa isyu ng usapin sa PUV Modernization Program (PUVMP) alang-alang sa mga maliliit na jeepney driver at operators.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y hindi pagkilala ng presidente sa pansamantalang pagsuspendi ng Senado sa resolusyon ng PUV modernization program.
Sinabi ni Ka Mody Floranda ang national president ng Piston, dapat muling pag-aralan ng PBBM at Department of Transportation o DOTr ang PUVMP dahil hindi lamang ang trader at operator ang nagrereklamo kundi maging ang mga mambabatas at local manufacturer ay pumapalag sa usapin ng programa.
Kasabay nito, sinabi ni Ka Mody na sa August 14, 2024 ay magsasanib ang pwersa ng PISTON at Manibela sa isasagawang nationwide transport strike at karaban.
Sa ngayon aniya ay may ilan sa kanilang mga kasapi ang nagsasagawa ng protesta sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at kalapit na lalawigan na sinimulan nitong nakaraang linggo.
Sinabi pa ni Ka Mody na hindi masusupil ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga paraang pagsasampa ng kaso ang kanilang mga ikinasa or isinasagawang transport strike.