
Hiniling ng grupong Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sertipikahang lubhang kinakailangan ang pagpasa ng Kongreso ng enabling legislation na magbabalik sa rice tariff sa dating 35 percent.
Ayon kay SINAG Executive Director Jayson Cainglet, hindi kasi pinapayagan ang anumang kautusan para sa tariff modification habang nakabukas pa ang session ng Kongreso.
Kung mag-aantay pa aniya ng hanggang Oktubre ay hindi na ito naituturing na mainam na option.
Ani Cainglet, habang naantala kasi ang paglalabas ng EO ay mas nagtatagal ang pagdurusa ng mga lokal na magsasaka.
Hindi na aniya nila kakayanin ang patuloy na pagbagsak ng kanilang kabuhayan.
Aniya, ang mga bodega ng National Food Authority ay puno ng mura at ginagastusang imported rice kung kaya’t hindi na nabibili ang aning palay ng mga lokal na magsasaka.
Naniniwala ang grupo na ang paglimita sa rice importation ang solusyon sa krisis na kinakaharap ng mga magsasaka ng palay.









