Pinalagan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang planong magpatupad ng price freeze sa karne ng baboy kasunod ng pagsipa ng presyo nito sa pamilihan.
Ayon kay SINAG President Rosendo So, umaapela siya kay Pangulong Rodrigo Duterte na ikonsidera ang plano.
Aniya, walang hog raisers ang direktang nagdadala ng mga baboy sa Metro Manila.
Mga traders na nag-aangkat sa mga farm ang tatamaan ng price freeze.
Malaking lugi kasi sa mga nag-aangkat kung ibebenta nila ang mga dalang baboy sa parehong presyo sa pinagkuhanan nilang mga farm.
Ani So, malamang na hindi na lang magdadala ang mga traders ng buhay na baboy sa Kamaynilaan na magreresulta naman sa paglubha ng kakapusan ng suplay sa pork products.
Bagama’t manageable ang farm gate price, sa gastos sa transportation nasasaktan ang mga traders.
Nasa 80%-90% ng pork stock ng Metro Manila ay galing ng General Santos at Visayas.