Cauayan City, Isabela- Naghain ng petisyon ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) upang ireklamo ang umano’y kapabayaan ng Department of Agriculture (DA) dahilan ng lalo pa umanong pagkalat ng sakit ng baboy na African Swine Fever (ASF) sa Cagayan Valley.
Ito ay matapos mag-angkat ng malaking porsyento ng karne ng baboy mula sa labas ng bansa ang ahensya.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay SINAG Chairman Engr. Rosendo So, hindi umano sinusuri ng Department of Agriculture ang mga inaangkat na karne ng baboy sa ibang bansa upang matiyak sana ang estado ng nasabing importasyon ng Pilipinas.
Giit ni So, dapat malaman kung kontaminado ng ASF, COVID-19, Salmonella at iba pang posibleng sakit na ikakahawa ng mga karne na maaaring maipasa sa tao.
Nakakasama umano ng loob dahil hindi man lang nagawang umpisahan ang target sana na paraan ng pagsusuri sa mga inaangkat na karne ng baboy na ngayon ay kumalat na sa mga bayan-bayan partikular ang mga frozen meat.
Para sa grupong SINAG, marami na umanong hog raisers ang takot ng mag-alaga pa ng baboy dahil umano sa kawalan ng tulong mula sa gobyerno.
Taong 2019 nang maglaan umano ng pondo ang gobyerno sa DA upang tutukan ang paglalagay ng border inspection facility subalit hanggang ngayon ay hindi pa umano kumikilos ang ahensya kahit naibigay na ang inisyal na P524 milyon na pondo mula sa P2-Bilyon.
Una nang sinampahan ng SINAG ng kaso si DA Sec. William Dar kaugnay sa ‘Food Safety Act’ at ang posibleng kasabwat ito sa umano’y maanomalyang importasyon ng karne mula sa labas ng bansa.
Samantala, problema rin ng grupo ang labis na pagbaba ng presyo ng aning Palay at Mais ng mga magsasaka kung saan ilang traders ang tumigil pansamantala sa pagbili nito.