Grupong Tindig Pilipinas, nagsumite ng liham kay Ombudsman Remulla para hilingin ang mabilis na aksyon sa kontrobersyal na confidential and intelligence funds ni VP Sara

Sumulat ang grupong Tindig Pilipinas kasama na ang ilang indibidwal na naghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Hiniling ng grupo kay Remulla na magsagawa ng masusing imbestigasyon at mabilis na aksiyon sa kontrobersyal na confidential and intelligence funds (CIF) ng pangalawang pangulo.

Iginiit ng grupo na ang lahat ng lider gaya ng bise presidente ay kailangang managot dahil sa katiwalian.

Ayon sa grupo, hindi rin dapat palagpasin ang banta ni Duterte na ipapatay sina Pangulong Bongbong Marcos, first lady Liza Araneta-Marcos at dating speaker Martin Romualdez.

Ang mga ganitong pahayag umano na nanggaling pa sa second-highest official ng bansa ay hindi malayo sa madugong legasiya ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang kampanya laban sa iligal na droga na ikinamatay ng libo-libong katao.

Dapat din umanong ipaliwanag ng Vice President kung paano niya ginamit ang kanyang confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) gaya ng pagpapaliwanag ngayon ng mga sangkot sa ghost flood control projects.

Ang panawagan ng grupo ay hindi lamang para sa komprehensibo at impartial investigation nang sa gayon ay mapairal ang rule of law kundi para maibalik ang integridad at tiwala ng publiko sa ating institusyon.

Facebook Comments