Grupong tutol sa privatization ng NAIA, sumulat na kay Pangulong Marcos para matigil ang umano’y hindi makatarungang terminal fee increases sa paliparan

Nanawagan ngayon ang grupong Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan o SUKI Network na agad i-terminate ang concession agreement sa pagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at New NAIA Infra Corp o NNIC.

Sa ipinadalang sulat ng SUKI Network kina Pangulong Bongbong Marcos, Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, Senate President Vicente Sotto at House Speaker Martin Romualdez, hindi makatarungan ang mataas na terminal fees na nakatakda nang ipatupad sa Setyembre 14.

Sinabi ni SUKI Network Spokesperson Amihan Mabalay na ang bilyonaryong si Ramong Ang ng NNIC lamang ang makikinabang sa across-the-board hike sa fees at charges sa NAIA.

Pero ang mga ordinaryong pasaherong gagamit ng naturang airport ang papasan sa sobrang taas ang gustong ipataw na fees at charges.

Kaya naman nararapat daw na ibasura na ang kasunduan ng pamahalaan at NNIC na isang consortium na pinangungunahan ng San Miguel Holdings Corporation.

Samantala, nagsagawa rin ang Movement Against Disinformation at iba pang transport at mobility advocates ng kilos protesta sa UP Diliman dahil sa isyu ng flood control projects.

Nagsasagawa rin ng noise barrage ang ilang grupo sa EDSA Shrine sa Ortigas Avenue sa Quezon City na magtatagal hanggang mamayang hapon.

Facebook Comments