Hindi na kasama ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa pagkukunan ng pondo para sa lilikhaing Maharlika Wealth Fund.
Ito ang naging desisyon ni House Speaker Martin Romualdez at iba pang leader ng Mababang Kapulungan matapos ang pakikipagpulong sa mga economic managers.
Bukod sa dalawang social insurance program, ay hindi na rin kasali ang national budget sa pagkukunan ng paunang pampondo ng MWF.
Ayon kay Committee on Appropriations Vice Chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo, ipapalit sa investible funds na ilalagak sa MWF mula sa GSIS at SSS ang dividends mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa orihinal na bersyon ng House Bill 6398, sa 250 billion na start up fund para sa MWF, ang P125 billion ay magmumula sa GSIS, tig-P50 billion naman ang SSS at Landbank of the Philippines habang P25 billion ang sa Development Bank of the Philippines.
Dahil sa nabanggit na pag-amyenda sa panukala ay umaasa si Quimbo na mapapawi na ang pangamba ng mga pension holders ng GSIS at SSS.
Muli iginiit ni Quimbo na ang paglikha ng MWF ay isang napakahusay na investment para may mapagkunan ng malaking pondo ang gobyerno na gagamitin sa mga programa at proyekto para sa pag-unlad ng bansa at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Bukod kay Quimbo, may akda rin ng panukalang MWF sina House Speaker Martin Romualdez, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, Tingog Party-list Representative Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.