Nilinaw ng Government Service Insurance System (GSIS) na hindi magagalaw ang pension fund ng kanilang mga miyembo sa planong pagtatatag ng Maharlika Wealth Fund.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni GSIS President at General Manager Arnulfo Wick Veloso na ang perang kikitain ng Maharlika Wealth Fund sa pag-i-invest ang paiikutin at pagugulungin o ang tinatawag na investible fund at hindi ang pension fund.
Kaya wala aniyang dapat ipag-alala ang publiko dahil protektado rito ang pondo ng mga miyembro.
Sinabi pa ni Veloso na may nakalatag aniyang safeguards para maprotektahan ang Maharlika Wealth Fund katulad ng mga bubuo sa board na itinuturing na the best and the brightest.
Magkakaroon din aniya sila ng advisory board na pangungunahan mismo ng pangulo ng bansa, mga kalihim ng Department of Finance (DOF), Department of Budget and Management (DBM), National Economic and Development Authority (NEDA) at national treasurer na silang masisilbing gabay para sa lahat ng aksyon ng board of directors.
Bukod dito, sinabi ni Veloso na nariyan din ang mungkahi nilang magkaroon ng independent directors para protektahan ang minorities, investors at retail market at para lahat ng concerns ay matugunan at maging transparent lahat ng transaksyon.
Kukuha rin aniya sila ng internationally known accounting company, kasama ang Commission on Audit (COA), Kongreso at mismong ng publiko.
Isa pa aniya sa safeguard ay ang publication ng kanilang taunang report para maipabatid sa lahat ang lagay ng pondo at takbo ng investment.
Kasabay nito, sinabi ni Veloso na humihingi sila ng ilang exemptions sa buwis, salary standardization law para makahikayat ng the best and the brightest na mangangasiwa sa pondo, at sa procurement law para maging mas madaling makapaglagak ng investments sa abroad.
Kapag kumita aniya ang mga investment, magkakaroon ng dibidendo na direktang mapupunta sa mga miyembro.