Naniniwala si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na maaari pa ring baligtarin sa Korte Suprema ang resolusyon ng First Division na nagbabasura sa disqualification case laban kay Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang virtual forum kahapon, sinabi ni Guanzon na mahina at masyadong mababaw ang resolusyon.
Giit pa ng dating commissioner, ang delay na paglalabas ng desisyon ay bahagi ng pagsasabwatan sa panahon ng eleksyon.
Aniya, dine-delay nila ang kaso ni Marcos dahil alam nilang idi-disqualify ito ng Supreme Court.
Matatandaang ibinunyag ni Guanzon na bumoto siya para ma-disqualify si Marcos pero nawalan ito ng bisa dahil inilabas ang resolusyon ng First Division pagkatapos niyang magretiro.
Nakatakda namang iapela ng mga petitioner ang naging desisyon sa Comelec en banc.