‘Guarantee letter’ mula sa mga pulitiko, hindi na kailangan sa DOH hospitals dahil sa zero balance billing

Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na hindi rin magagamit ang guarantee letter sa mga ospital ng DOH dahil saklaw na ang mga ito ng zero balance billing program ng pamahalaan.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi kailangan ng anumang endorsement mula sa mga pulitiko para makalibre sa bayarin ang mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal sa mga DOH hospital.

Ayon kay Herbosa, para wala nang bayaran, kailangan lamang magtungo ang pasyente o kaanak nito sa social worker unit ng ospital o dumiretso sa tanggapan ng director ng DOH hospital.

Nilinaw din ng kalihim na maaari pa ring humingi ng tulong sa mga pulitiko, ngunit ang mga endorsement o guarantee letter na ibinibigay ng mga ito ay para na lamang sa mga pribadong ospital.

Dagdag pa ni Herbosa, palalawakin pa ng administrasyon ang zero balance billing program at target itong maipatupad hindi lang sa DOH hospitals kundi pati sa mga ospital na pinapatakbo ng mga local government unit (LGU).

Facebook Comments