Guard house sa isang subdivision sa QC na naniningil sa mga naghahatid sa mga estudyante sa Sauyo Elementary School, pinagigiba ng alkalde

Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapagiba sa guard house sa isang subdivision sa Barangay Sauyo na naniningil sa mga naghahatid sa mga estudyante sa Sauyo Elementary School.

Ayon kay Belmonte na batay sa ulat sa kanya ng Department of Public Order and Safety (DPOS) at ng city legal, walang building permit ang guardhouse kaya maituturing itong illegal structure.

Gayunpaman, inaalam pa ng lungsod kung makatwiran ang ginagawang paniningil sa mga taong dumaraan sa subdivision para sa pagme-maintain ng kanilang kalsada.


“Kung talagang totoo nga ang initial report na illegal structure siya ay kailangan talagang gibain ‘no, pero pangalawa, yung kanilang pagsingil ay hindi rin tama kasi sinasabi nila na […] daw ang kanilang subdivision, kailangan natin itong i-verify. Kasi usually ang gawain dito sa lungsod kapag may subdivision, tine-turnover naman yung mga kalsada sa lungsod and that means that is no longer private,” ani Belmonte.

Kaugnay nito, nanawagan ang alkalde sa mga subdivision na i-turn over na lamang ang kanilang mga kalsada sa LGU para hindi na nila kakailanganin pang maningil para sa pagpapaayos nito.

Samantala, pinagsusumite naman ng QC-DPOS ang pamunuan ng Del Nacia Village III Subdivision ng mga dokumentong magpapatunay na legal ang pagpapatayo nito ng guard house.

Ayon kay DPOS Executive Officer Roger Cuaresma, kapag walang naipakitang dokumento ang subdivision ay tuluyan na nilang gigibain ang guard house.

“So, binigyan namin sila ng leeway up to Wednesday to produce… building permit, yung location. Kung hindi nila magagawa, I suggest, kayo na ho ang gumiba ng sarili niyo. Kung hindi naman, Wednesday babalik kami, kami na ang gigiba niya. Wala na tayong samaan ng loob,” giit ni Cuaresma.

Samantala, tiniketan na rin ng DPOS ang home owners association (HOA) ng nasabing subdivision dahil sa paglabag sa City Ordinance 840 o ang Illegal Exaction of Fines.

“Huminto na sila kasi sabi namin, nag-isyu na kami ng violation, you stop,” saad ni DPOS Consultant Retired Police Col. Ramon Perez sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments