Malubha ang lagay ng isang lady guard matapos mabangga ng isang van habang nagbibisikleta ito sa kahabaan ng National Road sa Muntinlupa City para pumasok sa trabaho.
Kinilala ang biktimang si Catheryn Galera, na noo’y papasok sana sa Ospital ng Muntinlupa.
Ayon sa salaysay ng asawa nitong si Jonard, bisikleta raw ang nagsisilbing transportasyon ng asawa sa pagpasok dahil isa umano ito sa masuwerteng frontliner na natulungan habang nasa gitna ng lockdown ang lugar.
Sa report, kumaliwa raw noon si Galera para tumawid sa kalsada nang biglang humarurot ang isang van, dahilan para tumalsik ito sakay ng kanyang bisikleta.
Agad siyang isinugod sa ospital na dinala sa intensive care unit (ICU) para makabitan ng oxygen.
Nagtamo naman ng pinsala sa ulo, paa at braso ang biktima at kailangan daw maoperahan ang kanyang paa dahil sa bali na natanggap nito sa nangyaring aksidente.
Samantala, nanawagan naman ang asawa nito ukol sa sapat na imbestigasyon para mabigyang hustisya umano ang nangyari sa kanyang asawa.
Mayroon ding kasunduan sa pagitan ng biktima at ng driver at operatpr ng van na nakatakda pang pag-usapan ng dalawang kampo.
Bilang paunang tulong, naiulat na nagbigay na ng P15,000 ang van operator sa pamilya ng biktima.