Sinimulan na ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang pagbuo ng guidelines para sa barangay level enforcement upang mas maging mahigpit ang pagpapatupad ng mga quarantine rules nang sa ganoon ay makaiwas sa pagkahawa-hawa ng Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang binubuong guidelines ay ipapakalat sa 42,000 na mga barangay sa buong bansa.
Gagawin ang information dissemination sa pamamagitan ng mga pulis na magsisilbing Quarantine Rules Supervisors (QRS) ng mga barangay o di kaya ay ang Philippine National Police (PNP) COVID Focal Persons na itatalaga ng city at municipal police chiefs.
Sinabi ni Eleazar na ilan sa mga initial proposal na kanilang ikinokonsidera para sa pagpapatupad ng quarantine rules na nakapaloob sa guidelines ay ang pagbabawal sa paggawa ng malakihang salu-salo para sa birthday at iba pang selebrasyon.
Maging ang pagbabawal sa pag-iinuman lalo na sa mga kalsada, pagdiriwang ng piyesta, sports competitions at iba pang aktibidad na lalabag sa physical distancing.
Kapag natapos na ang guideline, magbibigay naman ang JTF COVID Shield nang panahon para makapag- adjust ang mga police commanders sa pagpapatupad nito.