Nagbabalangkas na ang Department of Tourism (DOT) ng guidelines at health protocols para sa industriya ng turismo sa mga lugar na nasa ilalim na ng ‘new normal’.
Sa interview ng RMN Manila kay DOT Undersecretary for Planning Benito Bengzon Jr., ilalatag nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan nang magbukas ang ilang piling local destination sa bansa upang makatulong sa muling pagbangon ng turismo.
Binigyan diin ni Bengzon na kasabay ng muling pagbuhay sa tourism industry, dapat nilang masiguro ang mahigpit na pagpapatupad ng mga programa, proyekto at training para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa lalo na ang mga nasa vulnerable sector.
Kabilang sa mga measure na ipapatupad ng DOT sa ilalim ng new normal ay ang re-training ng tourism practitioners, pagbabawas ng kapasidad ng air at land transport units, pamimigay ng hygiene kits sa mga turista, magkakaroon ng mandatory temperature checks sa airports, hotels at iba pang local attractions, at pagtitiyak ng food safety.
Batay sa pagtataya ng DOT, bumaba ng 55% ang tourist arrivals sa bansa mula Enero hanggang Abril dahil sa COVID-19.