Guidelines para mapabilis ang pagbiyahe ng mga baboy at manok patungong pamilihan, nirerepaso na ng DA

Nirerepaso na ng Department of Agriculture (DA) ang guidelines sa pag-transport ng mga hayop, gaya ng baboy at manok upang matugunan ang mga hamon sa kakulangan ng suplay.

Sa harap na rin ito ng matagal nang problema sakit ng mga hayop.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang pag-review sa mga umiiral na patakaran ay ilalatag sa konsultasyon sa grupo ng industriya, partikular sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc.


Ang DA Administrative Order No. 5 na inisyu noong 2019 ay nagtatakda ng mga panuntunan para sa lokal na transport ng mga hayop, produkto ng mga ito at by-products upang protektahan ang publiko at malabanan ang mga banta sa kalusugan ng mga hayop.

Ang mga patakaran ay nagtatakda ng mahigpit na timeline sa pagkuha ng transport permits at requirements para sa partikular na hayop at mga produkto.

Nire-review na rin ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang Administrative Circular no. 2, series of 2022, na nag-amiyenda sa National Zoning and Movement Plan upang makontrol ang African Swine Fever (ASF).

Sa pamamagitan ng kolaborasyon sa Food and Drug Administration, ang DA ay kumikilos upang magkaroon ng commercial vaccine para sa ASF sa Pilipinas.

Facebook Comments