Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na huwag lituhin ang publiko sa pamamagitan ng paglalabas ng hindi klarong polisiya o mga deriktiba kaugnay sa COVID-19.
Hiling ni Hontiveros sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, bilisan ang paglalabas ng guidelines o patakaran kaugnay sa pinakahuling deriktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Diin ni Hontiveros, marami ang kailangang linawin sa kautusan ng Pangulo lalo na sa gagawing pagsailalim sa Community Quarantine ng buong Metro Manila simula March 15 hanggang April 14.
Katwiran ni Hontiveros, dapat ang lahat ay maging klaro dahil ito ay tiyak na makakaapekto sa pang-araw araw na takbo ng buhay ng mga Pilipino na naninirahan o nagtatrabaho sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Hontiveros, ang paglalatag ng malabong plano ng pamahalaan ay lalong nakakadagdag sa pag-aalala ng publiko.