Guidelines para sa face-to-face graduation ngayong taon, inilabas na ng DepEd

Inilabas na ng Department of Education (DepEd) ang guidelines para sa isasagawang face-to-face graduation ceremonies ng mga paaralan ngayong taon.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ito ay ginawa para sa kaligtasan ng mga estudyante, magulang, guro at iba pang kawani ng mga eskwelahan.

Nabatid na sa darating na Hunyo 24 ang huling araw ng school year (SY) 2021-2022 kaya ang tinatawag na “end of school rites” ay posibleng isagawa ng mga paaralan sa Hunyo 24 hanggang Hulyo 2.


Ayon pa kay San Antonio, ang mga nasa Alert Level 1 at 2 na lugar lang ang pwedeng magsagawa ng limited graduation ceremony.

Mahigpit din na paalala ni San Antonio na dapat nakasuot ng facemask sa lahat ng oras ang mga dadalo at kailangan ipatupad ang social distancing.

Dagdag pa niya, tanging ang mga magulang o guardian lamang ang maaaring sumama sa mga magsisipagtapos at kailangan magtakda ng upuan para sa lahat.

Samantala, ang mga eskwelahan na walang “face-to-face graduation rites” ay posible naman magkaroon ng “virtual graduation” at mapapanuod na lamang sa mga social media platforms nito.

Facebook Comments