Pinalakas ng Palasyo ng Malacañang ang mga alituntunin sa paghahain ng ‘requests’ para sa pagpapalabas ng mga proklamasyon na nagdedeklara ng special non-working days o holidays.
Batay sa Memorandum Order No. 20 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Martes, ang lahat ng requests para sa pagpapalabas ng presidential proclamations na nagdedeklara ng special non-working days o holidays ay dapat ihain at matanggap ng Office of the President (OP) ng hindi bababa sa 30 araw bago ang mismong pagdiriwang.
Ang Office of the Executive Secretary for Legal Affairs ang siyang magpoproseso ng inihaing request.
Ibinaba ang memorandum matapos mapansin ng Malacañang na maraming requests ang inihain nang ilang araw lamang bago ang mismong petsa o event.
Dahil dito, kinakailangang nang palakasin ang kasalukuyang guidelines dahil naantala ang pagproseso sa mga request.