Guidelines para sa nakatakdang Nationwide Measles-Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization activity, inilabas ng DOLE

Naglabas ang Department of Labor and Employment o DOLE ng “guidelines” para sa nakatakdang Nationwide Measles-Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity o MR-OPV-SIA ng pamahalaan sa darating na buwan ng Mayo.

Sa Labor Advisory No. 9 na pirmado ni DOLE Sec. Bienvendo Laguesma, binanggit na ang inilabas na gabay ay bilang pagtalima at suporta sa naturang programa ng gobyerno.

Dito nakasaad na sakop ang lahat ng employers sa pribadong sektor, partikular ang may mga empleyado na may anak na edad 0 hanggang 59-buwan.


Ang mga employer ay hinihimok na magbigay ng sapat na impormasyon ukol sa bakuna laban sa mga nabanggit na sakit.

Maliban dito, hinihikayat ang mga employer na makipag-ugnayan sa mga health department ng mga lokal na pamahalaan kaugnay sa “schedule” ng bakunahan, upang matiyak na makakapag-avail ng bakuna ang mga anak ng mga kwalipikadong empleyado.

Uubra ding magsagawa ang employers ng bakuhan sa kani-kanilang opisina o establishment, kung sila ay mayroong institutionalized immunization program, at magtayo ng pansamantalang vaccination posts.

Nasa ilalim din ng guidelines ang “excused absence” o pagpapahintulot ng mga employer sa mga kawani na mag-absent sa trabaho o gamitin ang available na “leave credits” sa araw na sasamahan nila ang anak sa scheduled vaccination, o kung kailangang alagaan ang bata na nakaranas ng “adverse effects o reactions” dahil sa bakuna.

Ang empleyado na liliban sa trabaho ay oobligahin naman na magprisenta ng “proof of vaccination” o katibayan.

Facebook Comments