Natapos na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga guideline na ipatutupad sa paghahain ng kandidatura para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ilalabas na nila sa susunod na linggo ang mga magiging panuntunan para sa gagawing filing ng Certificate of Candidacy (COC).
Itinakda na rin ng Comelec ang tent sa Manila Hotel bilang lugar ng pagdarausan para sa pagsusumite ng COC mula October 1 hanggang ang October 8.
Ang COC ng mga kandidato sa pagka-senador at Party-list ang kanilang tatanggapin sa Manila Hotel habang ang mga kongresista, alkalde, bise alkalde, konsehal at sangguniang bayan ay tatanggapin sa mga city at municipal election offices.
Ang COC naman ng mga kinatawan ng probinsya, gobernador, bise gobernador, miyembro ng sangguniang panlalawigan ay gagawin sa mga provincial election offices.
Muling iginiit ng Comelec na lahat ng mga maghahain ng kandidatura ay kanilang tatanggapin basta’t kumpleto ang detalye at tama ang requirements.