Inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang guidelines para sa pinalawig na public utility vehicle (PUV) consolidation deadline.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2024-001, sinabi ng LTFRB na papayagang mag-operate hanggang sa katapusan ng Abril ang mga unconsolidated individual operator kung rehistrado sila sa lto at mayroong valid personal passenger accident insurance coverage.
Pinapayagan din ang consolidation ng mga operator sa mga ruta na wala pang unconsolidated entities.
Gayundin ang pagbuo ng bagong kooperatiba o korporasyon sa isang partikular na ruta na hindi pa naaabot ang 60% consolidation rate.
Nakasaad din sa bagong memo na pwedeng mag-withdraw ng membership sa isang kooperatiba ang isang indibidwal kahit walang endorsement mula sa Office of Transport Cooperatives kung ang aplikasyon para sa consolidation ay pending pa sa LTFRB at hindi pa sila nabibigyan ng certificate of public convenience.
Inilabas ang nasabing guidelines kasunod na rin ng reklamo ng PISTON at MANIBELA na nahihirapan silang mag-renew ng rehistro ng kanilang sasakyan habang ang iba ay na-impound ang jeep dahil wala silang maipakitang consolidation documents.