Nakatakdang makipag-ugnayan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan para sa epektibong pagpapatupad ng guidelines para sa soft-opening ng Boracay sa Oktubre 26.
Nakasaad sa nasabing guidelines ng Boracay Inter-Agency Task Force ang mga dapat at hindi dapat gawin ng mga turista habang nasa isla.
Ayon sa DENR, hindi muna papahintulutan ang mga water sports activities habang sinusuri pa ng mga eksperto ang marine ecosystem ng lugar.
Ilan din sa mga ipagbabawal na sa beachfront ay ang mga temporary structures, kagaya ng souvenir shops, maging ang paglalagay ng mga lamesa.
Maging ang sand-castle making ay lilimitahan na rin sa beach front kung saan papayagan pa rin ang pagdadala ng alagang hayop pero hindi na ito maaaring bitbitin sa beach area.
Sa huli, magpapatupad na rin ang gobyerno ng scheduling system sa mga bangkang patungong Boracay.