
Pinagtibay ng Korte Suprema ang mga guidelines sa extradition ng mga indibidwal na may kasong kriminal o hatol na dapat isagawa sa ibang bansa.
Ayon sa Supreme Court, layon ng bagong rules na matiyak ang pagkakapare-pareho at magkaroon ng gabay sa paghawak ng mga extradition cases.
Batay sa 16 na pahinang dokumento, tinukoy ng Korte Suprema ang “extraditee” bilang sinumang nasa teritoryo ng Pilipinas na hiniling ng ibang bansa para sa extradition o pansamantalang pag-aresto.
Maaaring i-extradite ang isang indibidwal kung ang naging krimen ay pinarurusahan ng parehong batas ng Pilipinas at ng humihiling na bansa ng may hindi bababa sa anim na buwang pagkakakulong.
Inaatasan naman ang extradition court na tapusin ang pagsusuri sa testigo sa loob ng isang araw, at maglabas ng desisyon sa loob ng 30 araw matapos ang huling testimonya.
Kapag tuluyang inaprubahan ang extradition, magiging final at executory ang desisyon, at dito na ililipat sa humihiling na estado ang kustodiya ng extraditee.
Sasagutin din ng nag-re-request na bansa ang lahat ng gastos sa proseso ng extradition, maliban kung may ibang kasunduan sa pagitan ng dalawang panig.
Ayon sa SC, epektibo ang rules simula November 10.









