Inaasahang mailalabas na sa loob ng tatlong araw ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang guidelines sa granular lockdowns with Alert Levels Policy sa National Capital Region (NCR).
Ito ay matapos ipagpaliban ang General Community Quarantine with Alert Levels Policy sa Metro Manila na magsisimula sana ngayong araw.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, nais ng IATF na makasiguro na hindi magkakaroon ng kalituhan sa ipapatupad na granular lockdowns kaya kailangang pulido ito bago ipresenta sa publiko.
Sa ngayong kasi aniya ay patuloy silang nakakatanggap ng iba’t ibang komento mula sa mga stakeholders kaya kinailangang ipinagpaliban ang pagpapatupad ng granular lockdowns.
Aminado naman si Malaya na hindi madaling makapagpalabas ng mga patakaran lalo’t hindi nagkakaisa ang mga stakeholders kabilang na ang Local Government Units (LGUs), medical experts, economic managers, mga negosyante at iba pa.