Guidelines sa pagbabalik ng transportasyon sa mga lugar na nasa GCQ, isinasapinal na

Ilalabas bukas ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang guidelines sa pagbabalik operasyon ng transportasyon sa mga lugar na sasailalim na sa General Community Quarantine magmula sa Mayo a-uno.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ngayong araw isasapinal ng task force ang mga panuntunan sa transportasyon.

Sa ilalim kasi ng GCQ, maaari nang makapag-trabahong muli ang mga empleyado sa ilang sektor kaya’t mahalaga na mayroon silang masasakyan papunta sa kanilang mga pinapasukang trabaho.


Pero paliwanag ni Roque hindi pa rin maaaring magkaroon ng full capacity ang mga sasakyan upang mapanatili ang social o physical distancing.

Sa ngayon, pinag-aaralan nila ang ipatutupad na kapasidad sa mga pampublikong sasakyan tulad sa mga bus o taxi na posibleng one-seat apart.

Tila malabo namang magbalik operasyon na ang mga jeep dahil harap-harap ang mga pasahero dito at mahirap ipatupad ang social distancing.

Facebook Comments