Inilabas na ng Department of Budget and Management ang guidelines para sa pagdaragdag ng sweldo sa lahat ng empleyado ng pamahalaan base narin sa ika 4 na tranche ng Salary Standardization Law o SSL na naging epektibo sa bisa ng executive order number 76 ni Pangulong Rodrigo Duterte na inilabas dahil hindi pa naipapasa ang 2019 national budget.
Batay sa guidelines na inilabas ng DBM ngayong araw o ang Budget Circular Number 575 ay itataas na ang sweldo ng mga empleyado ng pamahalaan alinsunod sa 4th tranche ng SSL na retroactive o sisimulan ang implementasyon sa unang araw ng 2019.
Saklaw naman ng inilabas na circular ang lahat ng posisyon sa civilian personnel regular man, casual, o contractual, appointive o elective, full time o part time sa sangay ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura, constitutional commissions at iba pang constitutional offices at state universities and colleges.
Hindi naman saklaw ng circular na ito ang mga consultant at eksperto na limitado lamang ang serbisyo sa spesipikong mga aktibidad.
Hindi rin kasali sa coverage ng circular ang mga manggagawa na nasa ilalim ng job contracts o pakyaw na tinatawag, at ang mga binabayaran depende lamang sa isang serbisyo o trabaho.
Hindi rin saklaw ng circular ang student workers at apprentices, at mga indibidwal o grupong na ang serbisyo ay nasa ilalim ng job orders, contract of service at iba pang katulad na paraan ng serbisyo.
Bukod dito ay makukuha din ng mga empleyado ng pamahalaan ang kanilang mid year bonus, productivity enhancement incentive, at performance based bonus alinsunod sa itinatakdang rules and regulations.
Ang kautusan ay nilagdaan ni Department of Budget Officer in Charge Janet Abuel.