Umapela si Iligan City Rep. Frederick Siao sa Inter-Agency Task Force (IATF) na higpitan ang alituntunin para sa pagpapauwi ng Locally Stranded Individuals (LSIs).
Hiniling ni Siao sa IATF na ang LSIs na may negative results lamang na sumailalim sa Polymerase Chain Reaction (PCR) diagnostic tests ang papayagan na makauwi sa kanilang mga lugar.
Paliwanag ng mambabatas, ito ay para matiyak ang pag-iingat na hindi madala ng LSIs sa kanilang mga lalawigan ang virus lalo pa’t ang mga sumailalim lamang sa rapid test at pinayagang makauwi ay napag-alamang nagpositibo pala kalaunan sa COVID-19.
Patunay rin aniya rito ang data mula sa Department of Health (DOH) Regional Offices na nagpapakitang hindi matibay na batayan ang resulta ng rapid test kahit ito pa ay negative result para pauwiin ang mga LSI at OFWs.
Maliban sa paghihigpit ay hiniling din ng kongresista sa mga Local Government Unit (LGU) na tulungan din ang LSIs at OFWs na bigyan ng tamang isolation at quarantine facilities habang sumasailalim sa test bago sila pauwiin sa mga probinsya.