Naglabas na ng memorandum ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa guidelines sa paggamit ng social media accounts, websites at internet-based campaign platforms na irehistro sa kanilang tanggapan sa harap ng nalalapit na 2025 midterm elections.
Batay sa resolusyon, kailangang nakarehistro ang lahat ng mga ito sa Education and Information Department ng COMELEC.
Tanging ang mga kandidato at mga authorized representatives ng mga political party/coalitions at party-list organizations ang pwedeng magsumite ng registration forms.
Babala naman ng poll body, hindi dapat ito popondohan o maiimpluwensiyahan ng anumang foreign entity na magreresulta sa panghihimasok sa halalan ng Pilipinas.
Sakali namang mabigo ang mga ito na magrehistro, kailangan nilang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng reklamo.
Ayon sa COMELEC, kailangang matapos ang pagpaparehistro bago o sa mismong December 13.
Samantala, simula ngayong araw, tatanggap na ang COMELEC ng aplikasyon para ma-exempt sa ipatutupad na gun ban kaugnay sa 2025 midterm elections.
Kasabay nito, nagpaalala naman ang poll body sa mga nagsusumite ng aplikasyon na kumpletuhin muna ang requirements bago ipasa sa kanilang tanggapan.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, maaaring tumagal lamang ng isang linggo ang proseso ng aplikasyon, kung makukumpleto ang requirements at hindi na magpabalik-balik
Ipatutupad ang gun ban ng Comelec simula sa ika-12 ng Enero sa susunod na taon.