Maglalatag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba’t ibang ahensya ng guidelines para sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa public solicitation.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ng DSWD sa mga miyembro ng law enforcement agencies at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng crowdfunding at fundraising consultant.
Sa pulong, nagkaisa ang DSWD, DOJ – Cybercrime Division, DILG, Bureau of Local Government Development, National Bureau of Investigation (NBI) – Legal Evaluation Legislative at Philippine National Police (PNP) na magtutulungan para rito.
Sumang-ayon din ang mga kalahok na lumikha ng isang technical working group upang itakda ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat miyembro at upang talakayin ang mga partikular na polisiya at guidelines upang mapabuti ang public solicitation.
Tinalakay rin ng mga kalahok ang data ng mga hindi rehistradong indibidwal/organisasyon at ang mga senaryo ng public solicitation activities na walang permit mula sa DSWD noong mga nakaraang buwan.
Sa hiwalay na pulong kasama ang mga miyembro ng crowdfunding at fundraising consultant agencies, nagkasundo rin sila na makipagtulungan sa ahensiya upang maiwasan ang mga illegal fund drive na umaabuso sa mga donor at magiging benepisyaryo.