Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Usec. Adrian Sugay na gumagawa pa sila ng mga alituntunin na magiging gabay sa proseso ng pagtatanggal ng mga pangalan sa binuong listahan ng mga hinihinalang terorista.
Kasunod ito ng pagpuna ng ilang aktibista at grupo sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Act na anila’y “mother of all red-tagging”.
Ayon kay Sugay, target nila itong mabuo bago dumating ang susunod na linggo at pagkatapos ay ipapasa sa Anti-Terrorism Council (ATC).
Sa ngayon, 37 na mga petisyon kontra Anti-Terrorism Act ang nakahain sa Supreme Court.
Samantala, binalaan ng Commission on Human Rights (CHR) ang gobyerno kaugnay sa red-tagging matapos isiwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga protektor ng komunistang grupo.
Ayon kay CHR Commissioner Jacqueline de Guia, hindi nila pakikialaman kung sino ang mga tinutukoy na komunista ng gobyerno.
Pero aniya, hindi ito dapat magdulot ng kapahamakan sa buhay ng mga sangkot dahil paglabag na ito sa batas.
Tiniyak naman ng CHR na sisilipin nila ang naturang engkwentro ng militar kontra New People’s Army (NPA) kung nasunod ang International Humanitarian Law matapos mamatay ang anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn.