Guidelines sa social distancing, pinapa-review; magkakamag-anak, dapat na payagan sumakay sa motor

Pinaparepaso ni Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang guidelines sa physical distancing para mapayagan ang mga pribadong motorista kabilang ang motorcycle riders na magsabay o mag-angkas ng mga kapamilya nila.

Ayon kay Ong, hindi na dapat pagbawalan sa isang sasakyan ang mga magkakaanak na nakatira naman sa iisang bahay.

Tinukoy ng kongresista ang ilang insidente kung saan sapilitang pinababalik o hindi pinadadaan sa checkpoints ang mga motorcycle rider na may angkas na kamag-anak.


May mga pagkakataon pa na medical frontliner ang kaanak na angkas sa motor na madalas ay iniiwan sa checkpoint dahil hindi maaaring ihatid sa trabaho ng sariling pamilya dahil labag nga ito sa patakaran ng physical distancing.

Dapat aniya ay pinapairal ng mahigpit ang physical distancing sa mga pribadong sasakyan at motorsiklo sa mga hindi magkaano-ano na madali namang malalaman sa kanilang IDs.

Hiniling ni Ong na pag-aralan ang suhestyon na ito ng IATF dahil maraming lugar na ang ibababa mula sa enhanced community quarantine (ECQ) papuntang general community quarantine (GCQ) kung saan marami ang pwede nang lumabas para magtrabaho.

Facebook Comments