Hinatulan ng Taguig City Regional Trial Court ang tatlong big-time na tulak ng iligal na droga ng habambuhay na pagkakakulong.
Sa resolusyon ni Judge Antonio Olivete ng Taguig RTC Branch 267 nitong Setyembre 3, guilty ang hatol sa mga akusadong sina Jose Vastine, Edilberto Ty at Alberto Joaquin Ong kung saan pinatawan din sila na magbayad ng multang P500,000 matapos sentensyahang guilty beyond reasonable doubt sa paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sasailalim rin sa rehabilitasyon sina Ong at Vastine sa loob ng anim na buwan sa isang government center sa hiwalay na kasong paglabag sa Section 15 ng Article 2 ng nasabing batas.
Iniutos din ni Judge Olivete ang paglipat sa tatlong sentensyadong drug pushers sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Kasunod nito, itinuturing namang tagumpay ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang naging desisyon ng korte sa kampanya ng lungsod kontra iligal na droga.
Sina Vastine, Ty at Ong ay nahuli ng mga otoridad sa isang buy-bust operation kung saan nakuhaan sila ng mahigit dalawang kilo ng high-grade cocaine na nagkakahalaga ng P10 milyon noong 2011.
Matatandaang ang mga miyembro ng Tinga Drug Syndicate na sina Joel Tinga at Elisa Tinga ay nasentensyahan na rin ng reclusion perpetua dahil sa pagbebenta ng iligal na droga noong September 2016 at February 2017.