Maituturing na liwanag na sinindihan sa gitna ng madilim na kalagayan ng walang pakundangang mga pagpatay sa panahon ngayon ang hatol na guilty ng kina dating army major general Jovito Palparan kaugnay ng pagkawala ng mga UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.
Ayon kay Atty. Jacqueline De Guia, CHR Spokesperson, ipinakita ng desisyon ng korte na ang panahon ng paniningil ay darating din sa mga tao na nilapastangan ang karapatang pantao.
Aniya, bagama’t mahaba ang landas na tatahakin sa pagkamit ng hustisya, mapapadali ito sa pamamagitan ng katatagan ng mga pamilya ng mga naging biktima ng EJKs at sa patuloy na pagbabantay ng mga human rights advocates.
Idinagdag ni De Guia na isa pa lamang ito sa libu-libong kaso na kinakailangang hanapan ng katarungan.
Hindi aniya dapat huminto ang lahat na magsikap na mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng kultura ng pagyurak sa dignidad ng buhay.