GUILTY | Implementasyon ng GSIS sa dismissal order ng Ombudsman laban sa 2 PPA officials, pinatitiyak

Manila, Philippines – Nababagalan ang Agham partylist sa pagpapatupad ng Government Service Insurance System (GSIS) sa ‘dismissal order’ na ipinataw ng office of the Ombudsman laban sa isa sa dalawang opisyal ng Philippine Ports Authority o PPA na sinibak sa pwesto.

Sumulat na si dating Agham partylist Congressman Angelo Palmones kay GSIS Assistant Chief Legal Counsel Atty. Lucio Yu noong Agosto a-sais para hilingin ang report ng GSIS bilang pagtugon sa court ruling noong May 29, 2018.

Batay sa dismissal order ng anti-graft body, napatunayang guilty sa kasong gross neglect of duty and conduct prejudicial to the service si dating PPA Assistant General Manager for Operations Raul Santos dahil sa umano ay tahasang pagkasira sa kabundukan sa isang bayan sa Zambales.


Bukod sa dismissal from government service, iniakyat na rin ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong kriminal laban kay Santos at PPA General Manager Atty. Juan Sta. Ana.

Nag-ugat ang kaso laban sa dalawang PPA officials nang payagan nilang makakuha ng permit ang DMCI Mining Corporation para sa renovation ng pantalan sa Barangay Bolitoc, Sta. Cruz Zambales pero natuklasan ng Agham partylist na pinatag ng mining company ang bundok patungo sa kanilang mining site.

Giit ni dating Congressman Palmones sa GSIS na dapat masigurong hindi makakatanggap ng kanyang retirement benefits si dating Assistant General Manager Santos batay na rin sa kautusan ng Ombudsman.

Forfeiture ng lahat ng retirement benefits at pagbabawal na humawak ng anumang pwesto sa gobyerno ang ipinataw kay Santos pero dahil retirado na ito sa PPA pinagbabayad ang dating opisyal ng multa na katumbas ng isang taong sweldo.

Facebook Comments