Kakasuhan ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga may pakana ng kumakalat na infographic kung saan sinabi umano ng kalihim na kailangan ng physical distancing matapos magtalik ang mag-asawa upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
“It is fake news and I will file charges. I will also order the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) to conduct a probe,” giit niya sa panayam ng PNA.
Partikular na itinuro ni Año ang kumalat na kanyang photo quote kung saan sinabi niya umanong “After mag-sex, dapat may distancing din,” iba sa nauna niyang pahayag na “Sa bahay, dapat may social distancing din.”
Haharap ang mga masasangkot sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, na may kaparusahang hanggang anim na linggong pagkakakulong at multang aabot sa P40,000 hanggang P200,000.
Sa kabila nito, muling iginiit ng opisyal ang pagsusuot ng face mask kung imposible man ang physical distancing sa loob ng bahay.
“Ang pinakaimportante riyan kung talagang ‘di nila maiwasan, magsuot sila ng mask. Advisable rin ‘yung face shield diyan,” hirit ni Año.