Gunman, pinagmukhang marami ang umatake sa RWM

Manila, Philippines – Lumalabas sa imbestigasyon ng Kamara na pinaniwala ng gunman na si Jessie Carlos na marami sila o kaya ay may kasama ito sa pag-atake sa Resorts World Manila.

Sa joint investigation ng House Committees on Tourism, Games and Amusement at Public Order and Safety – ipinakita sa video ang mga pagkilos sa loob ng gunman.

Sa 20 minute video footage na ipinalabas ng RWM, tuluy-tuloy na pumasok ito sa casino at nagsunog ng gaming table.


Makikita din sa video ang pag-alis ng assailant pero bumalik ulit ito sa nasusunog na gaming table at ipinatong ang isang bag na puno ng mga bala.

Dito ay sunud-sunod na pumutok ang mga bala sa nasusunog na gaming table na mistulang tuluy-tuloy na nagpapaputok ang gunman.

Ito rin ang dahilan kung bakit inakala ng mga guests at employees maging ang mga na-trap na biktima na may kasama si Carlos.

Nasa 300 na bala ang napaputok sa iniwang bag na puno ng ammunitions.

Pero, kahit inaalis ang anggulong may kasama o inside job ang nangyaring pag-atake sa establisyimento, napagsabihan ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang PNP na dapat ay pinigilan o hinarangan muna ang mga taong nagsilabasan ng RWM.

Posible kasing humalo sa mga taong nagsisitakbuhan at nakatakas kung sakali mang may kasama talaga si Carlos.
DZXL558

Facebook Comments