Gunman sa pagpatay kay Dominic Sytin, nagpasok ng guilty plea sa korte

Sumalang na sa arraignment sa Olongapo Regional Trial Court Branch 71 ang itinuturong gunman sa pagpatay kay Subic businessman Dominic Sytin noong November 28, 2018.

Nagpasok ng guilty plea sa korte ang self-confessed gunman na si Edgardo Luib kung saan inamin nito ang pagpatay kay Dominic at ang bigong pagpatay sa bodyguard ni Sytin na si Efren Espartero.

Ayon kay Atty. Zaldy Ambon, tumatayong abogado ni Luib, tatlong beses pang tinanong ni judge Richard Paradea ang kanyang kliyente kung naintindihan nito ang pagpapasok niya ng guilty plea sa kaso.


Sinabi ni Luib na konsensya ang nagtulak sa kanya para aminin ang nagawa niyang krimen

Itinuro din ni Luib na mastermind sa krimen si Dennis Sytin na kapatid naman ni Dominic.

Itinakda ng korte ang pagsisimula ng trial sa kaso sa September 11.

Una nang sinampahan ng kasong murder at frustrated murder sa korte ang itinuturong mastermind at mga suspek sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin ng Olongapo.

Bukod kay Luib, kasama sa kinasuhan si Alan Dennis Lim Sytin at Ryan Rementilla alyas Oliver Fuentes.

Facebook Comments