Pagkalapag ng private plane na sinakyan ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo kasama sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. at Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil kaninang mag-aalas-dos ng madaling araw ay binasahan agad ng sakdal si Guo maging ng Miranda rights.
Pagkatapos nito ay agad na pinosasan si Guo dahil ito ay mayroong warrant of arrest na inisyu ng Capas Tarlac RTC Branch 109 dahil sa kasong graft and corrupt practices act na isinampa ng DILG.
Ipinasilip din ng PNP ang selda ni Guo na dating kulungan ni dating Sen. Leila de lima kung saan may isang kama, lamesa, CR at ceiling fan.
Wala rin aniya itong aircon at tanging mga damit lamang ang pinahintulutang dalhin ng dating alkalde kung saan ang kanyang cellphone, ear pods at iba pang gadgets ay nasa pangangalaga muna ng pulisya.
Tanging mga abogado at immediate family lamang ni Guo ang papahintulutang bumisita ng PNP sa kaniyang selda.