Guo Hua Ping o Alice Guo, wala na talagang lusot sa batas –Hontiveros

Kumpyansa si Senator Risa Hontiveros na walang lusot sa batas si Guo Hua Ping o si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros kasunod ng pag-iisyu ng warrant of arrest ng Pasig Regional Trial Court o RTC sa kasong qualified human trafficking laban sa sinibak na alkalde.

Ipinaalala ni Hontiveros na non-bailable ang human trafficking case kaya hindi siya makakapagpiyansa at hindi magagamit ang kanyang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO money para lusutan ang batas.


Ikinagagalak ng senadora na bilang may akda ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act ay napapakinabangan na ngayon ang batas.

Sinabi rin ni Hontiveros na panimula pa lamang ito at malaking panalo na ito para sa mga naging biktima ng human-trafficking na pilit na pinagtrabaho at inabuso sa POGO Hub sa Bamban, Tarlac.

Nagpapasalamat din ang mambabatas Department of Justice (DOJ) sa mabilis na aksyon sa kaso ng pekeng Pilipino gayundin sa National Bureau of Investigation (NBI), sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at sa ibang law enforcement agencies na puspusang tumulong sa Senado sa pagsiwalat ng katotohanan.

Facebook Comments