Guro, binigyan ng ‘most annoying’ award ang estudyanteng may autism

Courtesy: RTV6 THE INDY CHANNEL/YOUTUBE

Isang special education teacher sa Indiana, USA, ang nasuspinde at maaaring tuluyang mapatalsik matapos nitong bigyan ang estudyante niyang may autism ng “Most Annoying Male” trophy sa award ceremony.

Ikinagulat umano ni Rick Castejon, ama ng 11-anyos na estudyante, nang ianunsyo ng guro ang award sa harap ng maraming magulang, estudyante, at principal ng Bailly Preparatory Academy.

Ayon sa ulat, tahimik ang mga magulang habang ibinibigay ang trophy sa bata noong ceremony na naganap May 23.


Kuwento ni Castejon, pinili niyang iwan na lang ang trophy sa lamesa at huwag nang gumawa pa ng eksena, ngunit lumapit pa umano ang guro at sinabing huwag kalimutan ang trophy ng anak.

Agad namang umaksyon ang Gary Community School Corporation at nagpataw ng disciplinary action laban sa guro, kasabay ng pagpapaabot ng paumanhin sa pamilya Castejon.

Bagama’t masaya sa aksyong ginawa ng paaralan, napagdesisyunan ng pamilya na lumipat sa Valparaiso sa 2020 at hindi na muling ipasok sa Gary school ang anak.

Facebook Comments