Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang kaso laban sa isang guro na nag-upload ng video ng isang pulis na nagsabing ang convoy ni Vice President Sara Duterte ang dumaan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na nagdudulot noon ng traffic.
Ang gurong si Janus Munar ay kinasuhan ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code on unlawful means of publications at Republic Act 7610 on child abuse, na parehong may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) ng pulis na si PEMS Verdo Pantollano.
Sa apat na pahinang desisyon, binigyan diin ng QCRTC Branch 104 na hindi isang krimen ang mga alegasyon laban kay Munar.
Ayon naman kay Atty. Chel Diokno, abogado ni Munar, ang desisyon ng korte ay dapat magsilbing aral sa mga taong may awtoridad na huwag gamitin ang batas laban sa kanilang kapwa Pilipino.
Una rito, tinanggal sa puwesto si Pantollano matapos mag-viral ang video kung saan pinahinto niya ang traffic sa Commonwealth Avenue dahil dadaan umano ang convoy ng isang VIP at kinalaunan ay sinabing si Vice President Sara Duterte na agad namang itinanggi ng Office of the Vice President.