Guro, niregaluhan ng manok ng estudyante noong World Teachers’ Day

Photo: Talon Claude Facebook

Kinagiliwan ng netizens ang facebook post ng isang guro mula General Santos matapos nitong ibida ang regalong manok ng kanyang estudyante sa selebrasyon ng World Teachers’ Day noong Oct. 5.

Imbes kasi na tsokolate at cake ay isang buhay na manok ang ibinigay ni Legazpi Guid Jr. bilang pasasalamat sa kanyang guro.

Sa naturang post, ibinahagi ng guro na si Claudine Talon ng Banwalan Primary IP School, na siya umano ang pinakamasaya sa naturang araw at pinasalamatan niya ang kanyang estudyanteng si Legazpi Guid Jr.


“Wala ‘yang flowers, chocolates, cakes and balloons niyo sa Native Manok ko! Thank you LEGASPI. Pinaka Happy Teacher si maam. It doesn’t matter how expensive or how cheap it is. It’s always the thought that counts. Happy Teachers’ Day,” sabi ni Talon sa kanyang post.

Nang makapanayam ang naturang guro, sinabi nitong hindi raw niya maipaliwanag ang naramdaman nang makatanggap ng kakaibang regalo mula sa 8-anyos na estudyante.

“Hindi ako nag-expect, pero naiiyak ako nang tanggapin ko yong manok na regalo niya sa akin. Kasi sabi ng Papa niya, alaga talaga niya ‘yong manok. Monday pa lang sinabi na niya sa Papa niya na yong mga classmate niya magbigay ng bulaklak tapos gusto niya hulihin ‘yong isa sa alaga niyang manok para daw ibigay sa akin. Na-touch talaga ako,” saad ni Talon.

Hindi raw niya inasahan ang nangyari dahil minsan na umanong nasabi ni Legazpi na ayaw niya itong maging guro.

Umani naman ng komento ang naturang post at agad na nagviral online.

Facebook Comments